Tinanggihan ng Pilipinas nitong Sabado ang pahayag ng China na kailangan ng pahintulot upang makapasok sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea (WPS).
Tinawag ni National Security Adviser Eduardo Año na “absurdo, walang katuturan, at hindi katanggap-tanggap” ang pahayag ng Chinese Foreign Ministry na kailangan munang ipaalam sa Beijing bago makapasok sa Ayungin Shoal.
“Hindi natin kailanman kailangan ng pahintulot ng China para sa anumang aktibidad natin doon,” pahayag ni Año.
Binigyang-diin niya na ang Ayungin Shoal ay nasa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas na kinikilala ng pandaigdigang batas at ng 2016 Arbitral Award. Hindi kinikilala ng Beijing ang internasyonal na desisyong nagtatakwil sa malawak na pag-aangkin nito sa South China Sea.
“Binibigyang-diin namin na patuloy na imaintain at susuplayan ng Pilipinas ang ating mga outposts sa West Philippine Sea, kabilang ang BRP Sierra Madre, nang hindi humihingi ng pahintulot mula sa ibang bansa,” sabi ni Año.
“Ang aming mga operasyon ay isinasagawa sa loob ng aming sariling teritoryal na tubig at EEZ, at hindi kami matitinag ng anumang panghihimasok o pananakot mula sa ibang bansa,” dagdag niya.
Ang mga tropa ng Pilipinas ay nakapuwesto sa BRP Sierra Madre, ang kinakalawang na barkong pandigma na sadyang pina-ground sa Ayungin Shoal noong 1999.
Sinabi ng Beijing noong Biyernes na papayagan ng China ang mga Pilipino na makapasok sa Ayungin Shoal, ngunit kailangan munang ipaalam sa mga opisyal ng Tsina.
Ang pahayag na ito ay tugon sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG) na sinubukan ng China Coast Guard (CCG) na harangan at takutin ang isang medical evacuation sa West Philippine Sea noong nakaraang buwan.
Tinawag ni Año ang mga aksyon ng CCG na “barbariko at hindi makatao.” Pinuna rin niya ang China sa pagkuha ng mga pagkain at kagamitang medikal na nakalaan para sa mga tropang nakapuwesto sa BRP Sierra Madre.
“Gayunpaman, bukas pa rin ang Pilipinas sa dayalogo at mapayapang negosasyon upang maresolba ang mga sigalot sa buong South China Sea. Ngunit, ang ganitong usapan ay dapat nakabatay sa mutual respect at pagsunod sa pandaigdigang batas,” sabi ng security adviser.
May mahabang kasaysayan ng sigalot sa teritoryong pandagat ang Pilipinas at China, ngunit lalong tumindi ang tensyon sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.