Patuloy na pinagtitibay ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) at Japan Volleyball Association (JVA) ang kanilang samahan para itaas ang antas ng volleyball sa Asya.
Pinangunahan ni Japan Minister at Consul General Takahiro Hanada ang turnover ng volleyball supplies mula JVA nitong Huwebes sa bagong opisina ng PNVF sa Bonifacio Prime, Taguig City. Nagpasalamat naman si Ramon “Tats” Suzara, PNVF chief at AVC president, sa suporta lalo’t papalapit na ang hosting ng Pilipinas sa FIVB Men’s Volleyball World Championships sa loob ng siyam na buwan.
“Sa dami ng bagong talento at tumataas na attendance sa volleyball games, nasa exciting na panahon ang sport,” ani Hanada. Dagdag pa niya, “Sana ang mga volleyballs na ito ay magbigay-inspirasyon sa kabataang Pinoy na maabot ang kanilang mga pangarap.”
Sinabi naman ni Suzara na malaking tulong ang mga kagamitan para maabot ang mas maraming kabataan sa Visayas, Mindanao, at Luzon. “Ang Pilipinas ay volleyball country. Ito na ang ating bagong slogan,” ani Suzara.
Bukod sa kagamitan, umaasa si Suzara na magpapatuloy ang suporta ng Japan sa larangan ng coaching, training camps, at team management. Sa turnover ceremony, pormal na inabot ni Hanada ang mga competition volleyballs sa PNVF at ilang miyembro ng Alas Pilipinas women’s at men’s teams kabilang sina Thea Gagate, Dawn Catindig, Vince Lorenzo, at EJ Casaña.
“Sa pamamagitan ng programang ‘Sport for Tomorrow,’ ginagamit ng Japan ang sports bilang puwersa para sa global prosperity at harmony,” ani Hanada.
Ipinakita rin ni Suzara ang bagong PNVF office na magiging headquarters ng 2025 Men’s Volleyball World Championship, pati na rin ng AVC president’s office.
