Plano ng Pilipinas na bumili ng 20 F-16 fighter jets mula sa US, pero paglilinaw ng mga opisyal, hindi ito para sa anumang bansa—kundi para lang palakasin ang depensa ng bansa.
Ayon sa US State Department, inaprubahan nila ang posibleng $5.58 bilyong deal na magpapalakas sa kakayahan ng AFP sa pagbabantay sa teritoryo, close air support, at aerial defense. Dagdag pa rito, mapapabuti rin ang pakikipag-ugnayan ng Pilipinas sa US military.
Sa gitna ng tensyon sa West Philippine Sea, tiniyak ni Executive Secretary Lucas Bersamin na ang pagbili ng fighter jets ay bahagi lang ng defensive strategy ng bansa at hindi ito nakatutok laban sa kahit sinong bansa.
Sinang-ayunan ito ng National Security Council assistant director general Jonathan Malaya, na nagsabing ang pagbili ng jets ay hindi banta sa kapayapaan sa rehiyon kundi bahagi lamang ng AFP modernization program.
Sa kasalukuyan, wala pang opisyal na komunikasyon mula sa US tungkol sa bentahan, ngunit ayon sa mga eksperto, malaking upgrade ang F-16 jets sa kasalukuyang arsenal ng Pilipinas.
Ang kontratang ito, kung matutuloy, ay bahagi ng patuloy na suporta ng US sa defense treaty nito sa Pilipinas.