Napahanga at nasa magandang mood si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. dahil sa kamangha-manghang pagganap ni Carlos Yulo sa Paris Olympics, kaya’t hindi siya nagtipid sa gantimpala para sa mga atletang Pilipino.
Binusog ni Marcos si Yulo ng P20 milyong bonus—pareho sa halaga ng premyong nakasaad sa Expanded Athletes Incentives Act. Ang bawat ginto ni Yulo ay may katumbas na P10 milyon, kaya’t doble ang saya!
Hindi rin pinalampas ng Pangulo ang P2 milyong premyo para sa bronze medalists na sina Nesthy Petecio at Aira Villegas. At para makabawi sa mga walang medalya, bawat isa sa kanila ay bibigyan ng P2 milyon—P1 milyon mula sa bulsa ni Marcos at P1 milyon mula sa Philippine Sports Commission (PSC).
“Dapat talaga nating pahalagahan ang lahat ng atletang pumunta sa Olympics. Napakahirap makapasok diyan,” sabi ni Marcos sa welcome ceremony sa Malacañang. “Kaya lahat bibigyan natin ng tig-iisang milyon mula sa PSC na ima-match pa ng Office of the President.”
Hindi rin nakaligtas ang mga coaches na bibigyan ni Marcos ng tig-P500,000. “Kahit maliit, sana makatulong,” dagdag niya.
Sabi pa ni Marcos, magbibigay siya ng buong suporta sa mga atleta para makamit pa ang mas marami pang Olympic medals sa hinaharap. “Sabihin ninyo kung ano ang kailangan ninyo. Sana makikita ulit tayo sa Palasyo at magko-congratulate ako sa inyo,” wika niya.