Iginiit ng Philippine Coast Guard (PCG) na hindi nila pinalit o nilagay nang ilegal ang mga nakuhang buto sa Taal Lake. Sa isang panayam sa dzBB, sinabi ni PCG spokesperson Capt. Noemie Cayabyab na mataas ang peligro ng kanilang mga technical divers sa pagsisid sa lalim na 40 hanggang 60 feet, kaya hindi nila isasakripisyo ang buhay ng mga ito para sa isang ilegal na operasyon.
Ayon kay Cayabyab, bahagi ang diving operations ng lehitimong imbestigasyon at mahigpit ang pagsunod nila sa tamang proseso na may kasamang monitoring mula sa ibang ahensya para mapanatili ang transparency.
May 40 divers ang tumutulong ngayon sa Department of Justice upang mahanap ang mga nawawalang sabungero na pinaniniwalaang nasa ilalim ng lawa. Sa ngayon, nakapagtala na sila ng limang sako ng buto, pero hindi pa matukoy kung tao nga ito o mga nawawalang sabungero.
Ibinahagi rin ni Cayabyab na inaasahan ang pagdating ng remotely operated vehicle (ROV) na kayang sumilip hanggang 1,000 feet sa ilalim ng tubig para mapabilis at mapagaan ang paghahanap. Mas ligtas umano ito kaysa magpadala ng divers dahil mas malinaw ang makikita nito sa ilalim ng lawa.
Kasabay nito, labing-isang dating intelligence officers na dating naka-assign sa Highway Patrol Group ang inalis sa kani-kanilang posisyon at inilipat sa PNP Headquarters Support Service kaugnay sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Tinanggap naman ng PCG ang mga opinyon ng mga eksperto para mapabuti pa ang kanilang operasyon. Ayon kay Southern Tagalog District commander Commodore Geronimo Tuvilla, naglalaman ang mga sako ng buto ng mga bato na posibleng nagdulot ng pagkasira ng mga sako kaya kinakailangang ilagay ito sa pangalawang sako upang mapanatili ang integridad ng ebidensiya.
Patuloy na hamon para sa PCG ang mahinang visibility sa ilalim ng tubig habang isinasagawa ang sistematikong paghahanap gamit ang jackstay search method sa paligid ng lugar kung saan nakita ang mga sako.
Pinaninindigan ng PCG na tanging layunin nila ang maghatid ng katarungan at katotohanan para sa mga pamilya ng nawawalang sabungero, at hiling nilang itigil na ang mga maling haka-haka tungkol sa operasyon.