Site icon PULSE PH

PBBM: Bagong Gas Field Natuklasan Malapit sa Malampaya!

Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagkakatuklas ng isang bagong natural gas field sa silangan ng Malampaya—ang unang malaking gas discovery ng bansa sa loob ng mahigit isang dekada.

Ayon sa Pangulo, humigit-kumulang 98 bilyong cubic feet ng natural gas ang natagpuan mga limang kilometro mula sa Malampaya gas field, sa karagatan ng Palawan. Sapat umano ito para magbigay ng kuryente sa 5.7 milyong tahanan sa loob ng isang taon.

Tinawag na Malampaya East 1 (MAE-1) ang bagong reservoir at bahagi ito ng Malampaya Phase 4 Drilling Campaign. Sa paunang pagsusuri, umabot sa 60 milyong cubic feet ng gas kada araw ang daloy nito—senyales ng mataas na potensyal na produksyon, kapantay ng orihinal na Malampaya wells.

Mahalaga ang tuklas na ito dahil inaasahang mauubos na ang Malampaya sa mga susunod na taon. Sa kasalukuyan, nagbibigay ito ng halos 40% ng pangangailangan sa kuryente ng Luzon. Ayon kay Marcos, makatutulong ang bagong gas field upang mapalakas ang energy security at maibsan ang pagtaas ng gastos sa kuryente.

Bukod sa natural gas, may kasama ring condensate ang nadiskubre—isang mahalagang liquid fuel na makatutulong sa pagpapatatag ng suplay ng kuryente.

Ipinagmamalaki rin ng Pangulo na mga Pilipino ang nanguna sa drilling ng MAE-1, na natapos nang walang aksidente o pinsala sa kalikasan. Isinasagawa ang proyekto ng SC 38 Consortium na pinamumunuan ng Prime Energy kasama ang PNOC Exploration at iba pang partner.

Kasunod ng MAE-1, nakatakda ang karagdagang testing at drilling sa iba pang wells upang tuklasin pa ang posibleng dagdag na reserbang gas ng bansa.

Exit mobile version