Mula sa loob ng Bahay ni Kuya, sabay-sabay na haharap ang mga housemates ng “Pinoy Big Brother” collab edition sa bagong hamon—ang primetime series na “The Secrets of Hotel 88.” Tampok dito sina Mika Salamanca, Brent Manalo, AZ Martinez, Ralph De Leon, River Joseph, Klarisse De Guzman, Esnyr Ranollo, Xyriel Manabat, Josh Ford, Kira Balinger, Dustin Yu, Bianca De Vera at Will Ashley.
Ang serye, na proyekto ng Star Creatives at kolaborasyon ng GMA Network at ABS-CBN, ay inilarawang “genre-bending” — pinagsamang family drama, romance, suspense-thriller at kaunting aksyon.
Ayon kay direktor Henry King Quitain, bawat karakter ay may itinatagong lihim na unti-unting mabubunyag habang humaharap sila sa mga hindi natatapos na alitan at matitinding komprontasyon. Layunin ng palabas na magbigay ng kakaibang timpla sa primetime viewing at ipakita ang bagong mukha ng mga dating housemates bilang seryosong aktor.
Bago magsimula ang taping, dumaan ang cast sa acting workshops at paghahanda para mas mapalalim ang kanilang mga karakter. Pinuri rin ang produksyon sa pagbibigay-priyoridad sa kaligtasan ng mga artista, lalo na sa mga stunt at action scenes.
Hindi man hango sa totoong pangyayari, ayon sa creative team, ang serye ay dinisenyo upang bigyan ang mga manonood ng “summer to remember” — isang kwentong puno ng pakikipagsapalaran, kilig, tensyon at matibay na samahan na tila isang pamilya.
