PULSE PH

Paunti-unting Fuel Price Hike, Ipatutupad Simula sa Susunod na Linggo!

Plano ng Department of Energy (DOE) na ipatupad ang paunti-unting pagtaas ng presyo ng langis simula sa susunod na linggo, at ayon sa ahensya ay pumayag na rin ang mga oil company sa ganitong hakbang.

Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, layunin ng staggered o paunti-unting pagtaas ng presyo na maiwasan ang biglaang malaking dagdag sa presyo ng gasolina, diesel at kerosene. Karaniwan umanong pumapayag ang mga oil firm sa ganitong sistema kahit nagkakaroon sila ng posibleng pagkalugi.

Batay sa unang tatlong araw ng trading sa global market, posibleng tumaas ang presyo ng kerosene ng hanggang P28 kada litro, diesel ng P15 kada litro, at gasolina ng P7 kada litro. Malalaman pa ang eksaktong taas ng presyo sa weekend, bago ito ipatupad sa Martes.

Nagbabala rin ang DOE laban sa panic buying o pag-iimbak ng fuel dahil maaari itong magdulot ng kakulangan sa suplay. Ayon sa ahensya, hindi problema ang suplay sa ngayon kundi ang pagtaas ng presyo dulot ng tensyon sa Middle East.

Kaugnay nito, plano ng pamahalaan na bumili ng hindi bababa sa isang milyong bariles ng diesel bilang dagdag na reserba ng bansa sakaling magkaroon ng aberya sa suplay ng langis.

Samantala, may mga panukala na rin sa Kongreso upang suspendihin ang ilang buwis sa langis kapag lalo pang tumaas ang presyo sa pandaigdigang merkado, upang mabawasan ang epekto nito sa mga mamimili.

Exit mobile version