Gumawa ng kasaysayan ang Filipino Valorant player na si Patrick “PatMen” Mendoza matapos magtala ng record-high na 516 average combat score (ACS)—ang pinakamataas sa isang mapa sa buong Valorant Champions Tour (VCT).
Nagawa ito ni Mendoza sa unang mapa ng laban ng Global Esports kontra DetonatioN FocusMe (DFM) noong Pebrero 1, matapos kumolekta ng 32 kills, limang deaths at apat na assists. Gayunman, hindi nasundan ng panalo ang kanyang record performance dahil na-reverse sweep ang Global Esports at bumagsak sa lower round, na may huling tsansa para makapasok sa Valorant Masters Santiago.
Hindi rin pinalad ang iba pang koponang may Pinoy players sa VCT Pacific Kickoff. Tinalo ng DFM ang Team Secretnina JessieVash, kellyS, at coach Rbtx, 0-2. Isang buhay na lang ang natitira sa Team Secret sa torneo.
Natalo rin ang Paper Rex na may Filipino player na si Adrian “invy” Reyes, matapos yumuko sa RRQ ng Indonesia, 0-2, at bumaba sa middle round.
Maghaharap ang Team Secret at Zeta Division sa isang do-or-die match sa Pebrero 5, habang lalaban ang Global Esports sa Pebrero 7 kontra sa mananalo sa Gen.G vs VARREL. Samantala, sasabak ang Paper Rex laban sa T1 sa Pebrero 6 upang manatiling buhay sa torneo.
