Nag-aasam ang Philippine Taekwondo Association (PTA) na makahanap ng susunod na pambato ng national team sa gaganaping Smart/MVPSF National Age-Group Championships ngayong weekend sa Ninoy Aquino Stadium, Manila.
Mahigit 2,000 kalahok mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang sasabak sa dalawang araw na free sparring event, na bukas para sa lahat ng edad.
Suportado ng Philippine Sports Commission, Milo, at Philippine Olympic Committee, layunin ng torneo na ipakita ang progreso ng taekwondo sa Pilipinas at ilantad ang mga batang talento—mga bata pa lang, may asim na!
Hinati ang mga kalahok sa Novice at Advance categories, na may apat na divisions: Juniors, Cadet, Grade School, at Toddler. Malakas ang laban ng entries mula Maynila, na inaasahang magdomina sa kompetisyon.
Bahagi ito ng malaking plano ng PTA na makahanap ng susunod na Roberto “Kitoy” Cruz, ang taekwondo legend na umabot sa 2000 Sydney Olympics.