Matapos ang matinding hirap sa paghinga noong Lunes, maayos at kalmado na ang naging araw ni Pope Francis sa ospital noong Martes, ayon sa Vatican. Wala nang naulit na respiratory failure, ngunit mananatili siyang naka-oxygen mask magdamag bilang bahagi ng kanyang gamutan.
Ang 88-anyos na Santo Papa ay nasa Gemelli Hospital sa Roma mula pa noong Pebrero 14 dahil sa double pneumonia. Bagamat sinabi ng Vatican na nananatiling “reserved” ang prognosis o prediksyon sa kanyang paggaling, tiniyak nilang siya ay alerto, walang lagnat, at maayos ang pagtugon sa gamutan.
Noong umaga, pinalitan ang kanyang oxygen mask ng isang high-flow oxygen cannula, pero babalik siya sa non-invasive mechanical ventilation pagsapit ng gabi. Sa kabila ng kanyang kondisyon, ginugol niya ang araw sa panalangin at pagpapahinga.
Paulit-ulit na Krisis sa Paghinga
Hindi lingid sa publiko ang mga hirap sa paghinga ni Pope Francis nitong mga nakaraang linggo. Noong Pebrero 22, nakaranas siya ng matagal na asthmatic respiratory crisis, sinundan ng bronchospasm noong Pebrero 28. Noong Lunes, dalawang beses siyang nahirapan sa paghinga dahil sa naipong mucus sa kanyang bronchi.
Ayon sa mga eksperto, ang paulit-ulit na respiratory crisis ng Papa ay isang “masamang senyales,” lalo na sa kanyang edad. Bukod pa rito, ang pagkakaroon ng double pneumonia ay maaaring magdulot ng matinding pagkapagod dahil sa hirap ng paghinga.
Patuloy na Dasal at Suporta
Bagamat patuloy na nagtatrabaho mula sa ospital, hindi muna siya tumanggap ng bisita noong Martes. Tatlong linggo na siyang hindi nakikita sa publiko, at sa halip na pangunguna sa Angelus prayer noong Linggo, naglabas na lang ang Vatican ng kanyang nakasulat na mensahe.
Sa kanyang pahayag, pinasalamatan niya ang lahat ng nagdarasal para sa kanyang paggaling, kabilang ang mga nagtitipon gabi-gabi sa St. Peter’s Square sa Vatican.
“Ramdam ko ang inyong pagmamahal at suporta. Sa panahong ito, parang dala-dala ninyo ako sa inyong mga panalangin. Salamat sa inyong lahat,” mensahe ni Pope Francis.
Sa kabila ng paulit-ulit na isyu sa kanyang kalusugan, hindi pa rin malinaw kung isasaalang-alang niya ang pagbibitiw, tulad ng ginawa ng kanyang hinalinhan na si Pope Benedict XVI.