Matapos ang mahigit isang dekada ng pananahimik, nagsalita na si Paolo Bediones tungkol sa kontrobersyal na sex video scandal na kumalat noong 2014.
Sa isang panayam, isiniwalat ni Paolo na bago pa man lumabas online ang video, may tumutokso sa kanyang magbayad ng P3 milyon para huwag itong ilabas. Nagsimula umano ang lahat noong 2010, matapos niyang ipaayos ang kanyang laptop. “Hindi na nahanap kung sino ang nasa likod nun kasi sobrang bilis kumalat ng video,” aniya sa Philippine Entertainment Portal.
Habang nasa isang radio program siya noong panahong ’yon, nakatanggap siya ng sulat na may kasamang pagbabanta. Tumawag siya sa numerong ibinigay at doon siya hiningan ng milyon-milyong piso. Sa loob ng apat na taon, padala raw nang padala ng sulat ang mga ito sa kanyang pinagtatrabahuhan.
Ibinigay na niya ang lahat ng ebidensya sa mga awtoridad, ngunit nang matanto siguro ng mga gumagawa nito na wala silang makukuha, doon na raw nila pinakalat ang video.
Ngayon, gamit ang kanyang karanasan, nagbigay si Paolo ng payo sa YouTube channel ng Peanut Gallery Media Network sa isang video na pinamagatang “How to Take Back Your Life When the World Around You Collapses.”
Aniya, “Sana sa pamamagitan ng video na ’to, makatulong ako sa mga taong dumaraan sa parehong pagsubok — para malaman nilang posible pa ring bumangon, hindi lang para mabuhay, kundi para muling umangat.”
