Nilinaw ng Malacañang na walang kinalaman si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isinasagawang imbestigasyon ng House of Representatives hinggil sa kontrobersyal na Manila Bay dolomite beach project na ipinapatupad noong panahon ng Duterte administration.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro, iginagalang ng Pangulo ang separation of powers at hindi makikialam sa mga hakbang ng Kongreso.
“Trabaho ng House of Representatives ang magsagawa ng imbestigasyon. Hindi ito pakikialaman ng Pangulo,” pahayag ni Castro.
Dagdag pa niya, layon ng imbestigasyon na malaman kung may anumalyang naganap o kung nagdulot ng pagbaha sa Metro Manila ang proyekto.
Binigyang-diin ni Castro na hindi politikal ang naturang imbestigasyon.
“Kung proyekto man ito ng nakaraang administrasyon, hindi ibig sabihin na hindi na puwedeng siyasatin. Hindi naman tama na agad itong ituring na politika,” aniya.
Ang pagdinig sa dolomite beach project ay itinakda ni House public accounts committee chairman Rep. Terry Ridon sa Nobyembre 17.
Matatandaang itinayo ang dolomite beach noong 2020 bilang bahagi ng Manila Bay cleanup, ngunit ayon kay Ridon, hindi ito kasama sa orihinal na master plan ng rehabilitasyon.
