Site icon PULSE PH

Pagcor, Hangad Pa Rin Matuloy ang mga Online Gaming!

Hindi pa isinasara ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) ang pinto para sa mas pinahusay na bersyon ng online gaming, kahit na ipinatupad ang total ban sa Philippine offshore gaming operators (Pogos).


Sa deliberasyon ng kontribusyon ng Pagcor sa budget ng House of Representatives committee on appropriations, sinabi ni Pagcor Chairman Al Tengco na maaari pang pag-aralan ang posibilidad ng upgraded version ng online gaming.


Matatandaang noong Hulyo 22, iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang total ban sa Pogos sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (Sona) dahil sa mga problemang idinulot nito sa bansa. Kasama sa ban ang 43 operators na sumusunod sa batas.
“Habang ang mandato ngayon ay tapusin ang operasyon ng lahat ng Pogo hanggang sa katapusan ng taon, pero baka sa hinaharap ay maaring pag-aralan at tingnan kung posible ang isang upgraded version,” sabi ni Tengco.


Natanong ni Northern Samar 1st District Rep. Paul Daza kung posible bang pag-aralan ang karanasan sa Pogos at gamitin ito sa hinaharap. Ikinumpara pa ni Daza ang Pogos sa software na maaaring mag-improve sa paglipas ng panahon.


“Sa karamihan ng industriya, pinapabuti natin ang produkto, di ba? Parang Microsoft Word, may version one, 1.1, hanggang umabot sa version 10,” sabi ni Daza.
Sinabi ni Tengco na ginagawa na nila ito bago pa ipinatupad ang ban ni Marcos, kaya’t bumaba mula sa 298 operators sa nakaraang administrasyon, naging 43 na lang ngayon.


“Naniniwala ako na ang 43 legal operators ay gumagawa ng lehitimong negosyo at nagbibigay ng kita sa gobyerno at trabaho sa maraming tao,” dagdag ni Tengco.
Sang-ayon si Daza at sinabing dapat ituloy ang ganitong hakbang dahil may malaking oportunidad para sa Pilipinas.

Exit mobile version