Inaasahang maulap ang panahon na may panaka-nakang mahinang ulan sa Traslacion ng Poong Nazareno sa Biyernes, Enero 9, ayon sa ulat ng PAGASA.
Sa inilabas na special weather forecast, sinabi ng ahensya na karamihan ay maulap ang kalangitan sa Metro Manila sa umaga, na may posibilidad ng isolated light rains. Iiral din ang katamtaman hanggang malakas na hanging amihan, habang ang heat index ay maaaring umabot sa 30°C.
Pagsapit ng hapon, inaasahang bahagyang maulap hanggang maulap pa rin ang panahon, na may patuloy na tsansa ng mahinang ulan. Maaari namang tumaas sa 31°C ang heat index habang nananatili ang malalakas na hanging mula hilagang-silangan.
Sa araw ding ito, ilalabas sa prusisyon ang imahen ng Itim na Nazareno mula Quirino Grandstand patungong Quiapo Church. Taun-taon, milyon-milyong deboto ang dumadalo sa Traslacion—noong 2025, umabot sa 8.12 milyong mananampalataya ang nakilahok.
