Inaasahang mas mainit na mga araw ang darating dahil karaniwan nang nakarehistro ang mas mataas na temperatura sa panahon ng tag-init, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa isang panayam sa Bagong Pilipinas Ngayon noong Martes, ika-26 ng Marso, sinabi ni PAGASA Assistant Weather Chief Chris Perez na maaaring maramdaman ang “pinakamataas” na bahagi ng tag-init sa Abril o Mayo, dahil sa mas mataas na rekord ng aktuwal na temperatura ng hangin.
“Kapag pumasok na iyong panahon ng tag-init, iyong dry season, iyong panahon ng Marso-Abril-Mayo, ay talagang nakapagtatala tayo ng matataas na antas ng temperatura, iyon ay kung walang bagyo na direktang makakaapekto sa ating bansa,” sabi ni Perez.
Sinabi rin ni Perez na hindi nila isinasara ang posibilidad ng heat index na 50°C o higit pa, dahil ang mas mataas na maksimum na temperatura ng hangin ay nagreresulta rin sa mas mataas na mga heat index.
Ang heat index ay ang aktwal na init na nararamdaman ng isang tao mula sa kombinasyon ng rekord ng aktwal na temperatura ng hangin at porsyento ng relative humidity, ayon sa PAGASA.
Para sa forecast ng temperatura sa Abril at Mayo, maaaring magkaroon ng temperatura ng hangin sa Metro Manila ng 25°C hanggang 37°C, samantalang sa mga bulubunduking rehiyon ng Luzon ay maaaring magkaroon ng 12-30°C, at sa malaking bahagi ng Visayas at Mindanao, maaaring manatili ang temperatura ng hangin sa 24-38°C.
Binanggit din ni Perez na sa panahon ng mainit na tag-init, ang dami ng kahalumigmigan sa hangin ay dumadami rin kaya naman maaaring umabot sa heat index na 40-42°C para sa mga lugar na may aktwal na temperatura ng hangin na 37-38°C.
“Kapag ganoon, hindi tayo komportable, bukod sa mainit ay maalinsangan, kapag ganitong range ng temperatura dapat talaga kung wala tayong gagawin sa labas ng bahay ay manatili lamang po lalong-lalo na sa kasagsagan ng init ng araw na nasa pagitan ng 12-3 sa hapon,” dagdag pa ni Perez.
Idinagdag pa ni Perez na noong Marso 25, naitala ang temperatura ng hangin na 37.8°C sa Tarlac, ang pinakamataas hanggang ngayon mula nang magsimula ang 2024.