Dalawang low-pressure areas (LPAs) ang binabantayan ng PAGASA, at isa na rito ang pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa ulat kahapon.
Ayon kay PAGASA weather specialist Veronica Torres, bandang 3 p.m. kahapon, ang LPA sa loob ng PAR ay nasa 1,340 km silangan-hilagang silangan ng Hilagang Luzon.
“Hindi natin inaalis ang posibilidad na magiging bagyo ito,” sabi ni Torres.
Samantala, ang isa pang LPA na nasa labas ng PAR ay matatagpuan sa silangan ng Mindanao, ayon kay PAGASA weather specialist Grace Castañeda. Sinabi niyang mababa pa ang tsansang maging tropical cyclone ang dalawang LPA sa susunod na 24 oras, pero patuloy itong binabantayan.
Bagamat wala pang direktang epekto ang mga LPA sa bansa, maaari nilang palakasin ang habagat at magdala ng ulan sa Northern at Central Luzon.
Maaari ring magkaroon ng ulan sa western Visayas at Mindanao sa kalagitnaan ng linggo dahil sa epekto ng habagat na pinalakas ng LPA sa silangan ng Mindanao.
