Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na naglalayong alisin ang travel tax para sa mga Pilipinong biyahero. Ang House Bill No. 11048 ay nakakuha ng malakas na suporta mula sa mga mambabatas sa layuning bawasan ang gastusin ng mga Pinoy na nagnanais maglakbay sa ibang bansa.
Sa ilalim ng panukalang ito, hindi na pagbabayarin ng travel tax ang mga Filipino citizens, kabilang ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs), anuman ang kanilang destinasyon. Ayon sa mga may-akda ng bill, ang travel tax ay itinuturing na dagdag na pasanin sa mga ordinaryong mamamayan, lalo na’t karapatan ng bawat isa ang malayang paglalakbay.
Sa kasalukuyan, ang mga Pinoy na lumalabas ng bansa ay nagbabayad ng 1,620 pesos para sa economy class at 2,700 pesos naman para sa first class. Kapag tuluyang naging batas, malaking kaluwagan ito sa bulsa ng mga bakasyunista at mga pamilyang nagnanais mag-abroad.
Inaasahan na ang hakbang na ito ay makakatulong din sa paglago ng industriya ng turismo at magbibigay ng pagkakataon sa mas maraming Pilipino na makaranas ng travel abroad nang hindi inaalala ang dagdag na bayarin sa airport. Ang panukala ay ipapadala na sa Senado para sa kanilang kaukulang aksyon.
