Mukhang may mas malaking laban ang nakalaan kay Manny Pacquiao matapos ang sagupaan niya kay Mario Barrios ngayong Sabado sa MGM Grand—rematch laban kay Floyd Mayweather Jr.!
Kumakalat ang balita sa Las Vegas na may “usapan” na raw tungkol sa ikalawang laban nina Manny at Floyd, halos 10 taon matapos ang kanilang record-breaking bout noong 2015. Noon, tinalo ni Mayweather si Pacquiao via points. Ngayon, kung matalo ni Manny si Barrios, posibleng mangyari na ang inaabangang Part 2.
Kung magtatagumpay si Pacquiao, magiging siya ang pinakamatandang welterweight champion sa kasaysayan, at maaaring gamitin ang WBC belt bilang pain para mahikayat si Mayweather sa rematch.
Si Mayweather ay 48 anyos na, habang si Manny ay 46—pero pareho pa rin silang may bitbit na star power at bilyong dolyar na kita.
Nakatakdang manood si Mayweather sa laban ni Manny. Samantala, abala si Pacquiao sa matinding ensayo sa Knuckleheads Boxing Gym, kung saan todo puri ang kanyang coach na si Justine Fortune:
“Mabilis, malakas, parang di 46 anyos. Gifted pa rin si Manny.”
Ang tanong: matitibag ba ni Manny si Barrios? Kung oo, maaaring muling mabuhay ang pinakamalaking boxing rivalry ng dekada.
