Kumpirmado mula kay Manny “Pacman” Pacquiao—kasalukuyan siyang nakikipag-usap sa kampo ng World Boxing Association (WBA) welterweight champion Rolly Romero para sa isang posibleng laban.
Sa press conference ng Thrilla in Manila 2 sa Quezon City, sinabi ng 46-anyos na boxing icon na nasa finalizing stage na ang negosasyon. Ito ang magtutuloy sa kanyang matagumpay na pagbabalik sa ring nitong Hulyo, kung saan nagtapos sa majority draw ang laban niya kontra WBC welterweight champ Mario Barrios—na para sa maraming fans, siya raw ang dapat nanalo. Dahil dito, na-install si Pacquiao bilang No. 1 contender para sa titulo.
Matatandaang nagretiro si Pacquiao noong 2021 matapos ang pagkatalo kay Yordenis Ugas, pero muling nagbalik sa ring ngayong taon, na muling nagbigay-buhay sa usapin tungkol sa kanyang susunod na laban.
Kasabay ng anunsyo, ipinagdiriwang din ni Pacquiao ang 50th anniversary ng “Thrilla in Manila”—ang makasaysayang laban nina Muhammad Ali at Joe Frazier noong 1975 sa Araneta Coliseum. Para kay Pacquiao, malaking karangalan na makapag-promote ng ganitong kalaking event sa bansa:
“This is not a small fight but a big fight. A world championship fight and a celebration of the 50th anniversary of Thrilla in Manila.”
Sa nasabing anniversary card, tampok din sina Melvin Jerusalem, Eumir Marcial, Marlon Tapales, Carl Jammes Martin, at si Nico Ali Walsh, apo ni Muhammad Ali.
Kung matutuloy ang laban laban kay Romero, magiging isa na namang malaking kabanata ito sa makulay na karera ni Pacquiao—ang nag-iisang eight-division world champion sa kasaysayan ng boksing.