Iba’t ibang solusyon ang inilalatag ng mga senatorial bets ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sugpuin ang krimen sa bansa—mula sa pagpapalakas ng teknolohiya ng kapulisan, pagpapalakas ng barangay, hanggang sa muling pagbuhay ng death penalty.
Ayon sa survey ng Social Weather Stations noong Enero, 79% ng mga Pilipino ang boboto sa kandidatong tututok sa paglaban sa ilegal na droga, habang 70% naman ang pabor sa mga kandidatong tutugon sa katiwalian sa gobyerno.
Narito ang kanilang mga panukala:
Benjamin Abalos Jr.: Mas Matalinong CCTV at Pulis na Sanay sa Teknolohiya
Bilang dating kalihim ng DILG, nais ni Abalos na pagandahin ang interconnectivity ng mga CCTV system sa buong bansa upang mapadali ang trabaho ng law enforcement. Ngunit binigyang-diin din niya na marami nang krimen ang lumipat online, kaya kailangang sumabay ang gobyerno sa teknolohikal na pag-unlad.
“Magagaling ang pulis natin, pero sa technology, nahuhuli tayo,” ani Abalos. Plano niyang palakasin ang training ng mga pulis para mas epektibong labanan ang cybercrimes.
Abby Binay: Barangay Power!
Para kay Binay, hindi dapat puro pulis lang ang inaasahan sa paglaban sa krimen. Kailangan din anyang bigyang kapangyarihan ang barangay bilang unang responders sa kaguluhan.
“Masyadong centralized. Dapat kasama ang community at ang mamamayan mismo sa pagsugpo sa krimen,” paliwanag niya.
Ping Lacson: Higit sa Batas, Kailangan ng Matibay na Pagpapatupad
Bilang dating PNP chief, naniniwala si Lacson na hindi sapat ang paglikha ng mga bagong batas—ang tunay na problema ay ang enforcement.
Binigyang halimbawa niya ang Customs Modernization and Tariff Act at Philippine Identification System Act, na maganda sa papel pero kulang sa maayos na pagpapatupad. Dahil dito, nais niyang palakasin ang oversight function ng Senado upang matiyak na ginagawa ng executive branch ang trabaho nito.
Tito Sotto: Mas Epektibong Kampanya Kontra Droga
Si Sotto, na isa sa mga bumuo ng batas na lumikha sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ay nais itong pagsamahin sa Dangerous Drugs Board para makabuo ng isang mas malakas na ahensya: ang Presidential Drug Enforcement Authority.
“Hindi lang ito tungkol sa enforcement. Dapat kasama ang prosecution, prevention, at rehabilitation,” paliwanag ni Sotto.
Francis Tolentino: Pabor sa Death Penalty
Ayon kay Tolentino, muling pagbuhay ng death penalty ang sagot sa paglaban sa krimen.
“Dalawang Kongreso ko nang isinusulong ito, at naniniwala akong makakatulong ito bilang deterrent sa mga kriminal,” aniya.
Ano ang Mas Mabisang Solusyon?
Sa dami ng panukalang ito, ano nga ba ang mas epektibo? Mas mahigpit na enforcement? Mas advanced na teknolohiya? O muling pagbuhay ng death penalty?
Isang bagay lang ang sigurado—sa darating na halalan, ang mga botante ang huhusga kung aling solusyon ang tunay na epektibo laban sa kriminalidad sa Pilipinas.