Magkakaroon na ng sariling pondo at tauhan ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) matapos aprubahan ng Office of the President ang P41.5 milyong operating budget nito hanggang sa katapusan ng 2025.
Ayon kay ICI Executive Director Brian Keith Hosaka, inaprubahan na ng Malacañang, batay sa rekomendasyon ng Department of Budget and Management (DBM), ang paglalabas ng pondo mula sa 2025 contingent fund.
Itinatag ang ICI noong Setyembre bilang tugon sa korapsyon sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Sa loob lamang ng dalawang buwan, nakapagsumite na ito ng tatlong ulat sa Office of the Ombudsman, na nagrerekomenda ng kaso laban sa mga mambabatas at opisyal ng DPWH na umano’y sangkot sa “ghost” at overpriced projects.
Sinabi ni Hosaka na gagamitin ang pondo para sa operational at capital expenses ng komisyon hanggang 2025, habang aprubado na rin ang 172 contractual positions para sa mga bagong empleyado, kabilang ang mga abogado, accountant, at engineer.
Sa ngayon, karamihan sa mga tauhan ng ICI ay naka-detalye pa mula sa ibang ahensya, at hindi pa rin nakatatanggap ng suweldo ang mga opisyal, kabilang si Hosaka.
Matapos ang ilang pagtutol, pumayag na rin ang ICI na buksan sa publiko ang mga pagdinig nito sa pamamagitan ng online livestream, at kasalukuyang binabalangkas ang mga patakaran para rito.
Ang ICI headquarters ay matatagpuan sa Department of Energy compound sa Taguig City.
