Umani ng matinding batikos ang biglaang pagbabalik ng P243.4 bilyong unprogrammed appropriations sa bicameral deliberations, mas mataas kaysa sa bersyon ng Kamara at Senado. Ikinabahala ng mga mambabatas at civil society ang kakulangan ng malinaw na paliwanag at ang isyung transparency at accountability.
Mariing tinuligsa nina Rep. Leila de Lima at Rep. Chel Diokno ang hakbang, na tinawag ni Diokno na patunay na “old habits die hard.” Matagal nang kinukuwestiyon ang unprogrammed funds bilang anyo ng “nakatagong pork,” at naiugnay na rin sa mga proyektong kasalukuyang iniimbestigahan sa korapsyon.
Ipinunto ni De Lima na kung mahalaga ang mga proyekto, dapat sana’y programmed ang pondo at hindi inilagay sa wala pang tiyak na pagkukunan—na aniya’y posibleng labag sa Konstitusyon. Sa panig ng Senado, ipinaliwanag ni Sen. Sherwin Gatchalian na ang pondo ay magmumula sa bagong o sobrang kita at foreign loans, at hindi bahagi ng pangunahing 2026 budget, at mas “efficient” umano para sa agarang paglabas ng pondo.
Bagama’t inaprubahan na ng bicam, nananatiling posible ang pagbawas o pag-veto ng Pangulo sa ilang line items, gaya ng ginawa sa nakaraang budget.
