Simula Martes, mahigit 57,000 public transport workers — kabilang ang mga jeepney, bus at tricycle drivers pati operators — ang makikinabang sa P20/kilo rice program ng Department of Agriculture (DA).
Limitado sa 10 kilo bawat buwan ang maaaring bilhin ng bawat benepisyado sa subsidized na presyo.
Unang rollout ay gagawin sa limang lungsod:
- Quezon City – 17,633
- Navotas – 1,001
- Angeles City (Pampanga) – 9,961
- Cebu City – 24,742
- Tagum City – 3,650
Ayon kay Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., layunin ng programa na direktang maibsan ang bigat ng mataas na presyo ng pagkain. “Hindi lang ito food program, kundi pangakong tinutupad — laban sa gutom,” ani Laurel.
Katuwang ng DA sa pagtukoy ng mga benepisyado ang DOTr, DILG at LTFRB. Target ng administrasyon na palawakin ang programa at abutin ang 15 milyong kabahayan sa 2026, at ipagpatuloy ang rice subsidy hanggang sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Marcos.
Dating nakalaan lamang para sa senior citizens, solo parents, PWDs at low-income families, pinalawak na rin ang programa para sakupin ang minimum wage earners, farmers, fisherfolk, public school teachers, non-teaching staff, at mga benepisyado ng DSWD Walang Gutom initiative.