Patuloy ang pag-petisyon ng mga lider ng mga transport group para sa dagdag na P2 sa minimum jeepney fare dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at iba pang pangunahing bilihin.
Ayon sa mga grupo, ang rollback na P0.20 per liter sa diesel na ipinatupad ng mga oil company nitong Martes ay “napakaliit” kumpara sa P2.70 per liter na taas-presyo noong nakaraang linggo.
Sa isang panayam sa The STAR, sinabi ni Pasang Masda president Roberto Martin na ang kanilang grupo, kasama ang Liga ng Transportasyon at mga Operator sa Pilipinas (LTOP), ay muling maghahain ng petisyon para sa fare hike na nakabinbin pa noong 2022.
Magkakaroon din ng pulong si Martin at LTOP national president Lando Marquez kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Teofilo Guadiz ngayong linggo upang talakayin ang petisyon na magtaas ng P2 sa minimum fare.
Sa kasalukuyan, ang minimum fare ay P13 para sa mga tradisyunal na jeepney at P15 para sa mga modern jeepney. Kung maaprubahan ang petisyon, magiging P15 ang minimum fare sa tradisyunal na jeepney at P17 naman sa mga modern jeepney.
Idinagdag ni Martin na bumaba ang kita ng mga jeepney driver ng P130 kada araw dahil sa pagtaas ng presyo ng diesel noong nakaraang linggo. Hinimok niya ang Department of Energy na imbestigahan ang hindi pantay-pantay na pagtaas at rollback ng presyo na ipinatupad ng mga oil company.