Site icon PULSE PH

P13 Milyon Halaga ng Smuggled Frozen Chicken at Fish Balls, Nasabat sa Maynila!

Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) sa Manila International Container Port (MICP) ang tinatayang ₱12.96 milyon halaga ng umano’y misdeclared na frozen chicken breasts at fish balls na pinaniniwalaang ipinuslit mula China.

Ayon kay BOC Assistant Commissioner Vincent Philip Maronilla, natuklasan ng mga tauhan ng Customs ang 5,300 karton ng fish balls at mga sako ng frozen chicken breasts sa loob ng dalawang container van.

Nilabag ng consignee ng kargamento ang Section 117 (Regulated Importation and Exportation) kaugnay ng Section 1113 ng Customs Modernization and Tariff Act.

Kasama ni Maronilla sa inspeksyon si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan, tagapangulo ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform, na agad nagpatanong kung ligtas kainin ang nasabing mga karne.

Ipinasuri na ng BOC sa Bureau of Animal Industry (BAI) ang mga nakumpiskang produkto upang malaman kung kontaminado ito ng bird flu o E. coli bacteria.

Binigyang-diin ng ahensya na patuloy nitong paiigtingin ang kampanya laban sa smuggling ng agricultural at food products upang mapangalagaan ang kalusugan ng publiko at lokal na industriya ng agrikultura.

Exit mobile version