Inihayag ni Risa Hontiveros na ilalabas ng tinaguriang “united opposition” ang kanilang common candidates para sa 2028 elections bago matapos ang taon o sa unang bahagi ng susunod na taon.
Ayon kay Hontiveros, walang kinalaman ang maagang pag-anunsyo ng kandidatura sa pagkapangulo ni Sara Duterte sa kanilang timeline. May sarili aniya silang proseso upang makapili ng iisang pambato. Sa ngayon, nakatuon muna ang grupo sa “pag-aayos ng sariling bakuran” upang maging mas matatag bago ang 2028.
Binubuo ang oposisyon ng mga “pink” forces na sumuporta kay Leni Robredo noong 2022, kasama ang Liberal Party at iba pang kaalyadong grupo. Bahagi rin si Robredo sa mga paunang pag-uusap para sa paghahanda sa susunod na halalan.
Hindi pa tiyak kung makikipag-alyansa sila sa ibang kampo, kabilang ang grupo ni Ferdinand Marcos Jr., upang pigilan ang posibleng “Duterte 2.0.” Aniya, nakadepende ito sa pagkakaroon ng sapat na magkakatulad na paninindigan.
Hindi rin diretsahang sinagot ni Hontiveros kung siya o si Bam Aquino ang posibleng maging standard bearer ng oposisyon. Nauna na niyang sinabi na bukas siya sa pagtakbo sa mas mataas na posisyon sa 2028, depende sa resulta ng konsultasyon sa kanilang mga kaalyado.
Samantala, sinabi niyang handa siyang gumanap bilang senator-judge sakaling umusad muli ang impeachment complaint laban kay Duterte, na nauna nang ibinasura ng Korte Suprema dahil sa one-year bar rule.
Para naman kay political analyst na si Barry Gutierrez, maaaring konektado ang maagang pagdedeklara ni Duterte sa posibleng pag-usad muli ng impeachment case, upang ipaalala sa mga mambabatas ang political reality papasok ng 2028.
