Bilang paghahanda sa Undas, inilunsad ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang online “grave finder” para tulungan ang publiko na mabilis mahanap ang libingan ng kanilang mga mahal sa buhay sa Manila North at Manila South Cemetery.
Sa website ng Manila North Cemetery (www.manilanorthcemetery.ph), maaaring gamitin ang “Memorial Search” feature upang makita ang pangalan, petsa ng pagkamatay, seksyon, lote, at grave number ng namayapa, kasama ang mapa ng lokasyon.
Samantala, sa www.manilasouthcemetery.com, may “Grave List” na nagpapakita ng buong pangalan at grave number ng mga nakalibing.
Ayon sa pamunuan ng dalawang sementeryo, patuloy pang ina-update ang database habang isinusulat ang libu-libong pangalan ng mga nakalibing.
Kasabay nito, inatasan ni Mayor Isko Moreno Domagoso ang mga tanggapan ng lungsod — kabilang ang Manila Police District, Department of Public Services, at Traffic and Parking Bureau — na siguraduhin ang kaligtasan, kaayusan, at kalinisan sa mga sementeryo ngayong Undas.
Nagpahayag din ang NCRPO ng babala sa publiko na iwasan ang real-time social media posts tungkol sa kanilang lokasyon upang hindi ma-target ng mga magnanakaw. Higit 8,500 pulis at 2,600 barangay watchers ang ide-deploy sa Metro Manila, habang nasa 30,000 PNP personnel naman ang itatalaga sa buong bansa mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3.
Samantala, ipatutupad ng Metro Pacific Tollways Corp. (MPTC) ang “Biyaheng Arangkada” motorists assistance program sa NLEX, SCTEX, CALAX, CAVITEX at CCLEX, kabilang ang libreng towing para sa mga Class 1 vehicles at real-time traffic updates sa MPT DriveHub app.
Layunin ng mga hakbang na ito na tiyaking maayos, ligtas at mapayapa ang paggunita ng mga Pilipino sa Undas 2025.
