Sinisiyasat ngayon ng Office of the Ombudsman at ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga kontrata ng mag-asawang kontraktor na sina Cezarah “Sarah” at Pacifico “Curlee” Discaya, kaugnay ng umano’y koneksyon nila sa CLTG Builders — kompanyang inuugnay sa pamilya ni Senador Bong Go.
Kinumpirma ni Public Works Secretary Vince Dizon ang imbestigasyon sa isang ambush interview nitong Huwebes. Aniya, nakipagpulong siya kay Ombudsman Crispin Remulla para talakayin ang mga dokumentong susuriin mula pa noong 2016 hanggang 2025, bilang bahagi ng mandato ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).
“Walang sasantuhin dito. Tinitingnan namin ang mga dokumento mula sa nakaraang administrasyon, kasama na ang mga kontrata ng Discayas,” pahayag ni Dizon.
Dagdag pa niya, kabilang sa sinusuri ngayon ay ang posibleng ugnayan ng Discayas sa CLTG Corporation, na ayon sa mga ulat ay pag-aari ng ama ni Sen. Go.
Ibinahagi rin ni Dizon na mismong si Remulla ang tumawag sa kanya matapos tumigil sa pakikipagtulungan sa imbestigasyon ang mag-asawang Discaya.
Noong Lunes, itinanggi naman ni Senador Bong Go ang anumang partisipasyon sa joint venture ng CLTG Builders at ng mag-asawang Discaya.
Patuloy pa rin ang pagsusuri ng Ombudsman at DPWH sa mga kontrata upang matukoy kung may iregularidad sa mga proyektong pinondohan ng gobyerno sa ilalim ng mga nakalipas na administrasyon.