Narito na ang pangakong bawi ni EJ Obiena!
Matapos ang hindi inaasahang kabiguan sa Paris, bumangon si Obiena at muling nagningning sa Europa, nasungkit ang gintong medalya sa Meeting Metz Moselle Athlelor sa France nitong Sabado.
Pinatunayan ng World Championship bronze medalist na hindi siya basta-basta natitinag, matapos niyang malampasan ang 5.70 metro sa kumpetisyon. Ito na ang kanyang ikalawang sunod na podium finish ngayong indoor season, matapos makuha ang silver sa Cottbus, Germany ilang araw lang ang nakalipas.
Bagamat hindi pa ito ang taas na talagang target niya, mas mataas pa rin ito sa 5.65m na naitala niya sa Cottbus, kung saan pumangalawa siya sa American former world champion na si Sam Kendricks (5.75m).
Sa Metz, nagtapos si Obiena na tabla sa Dutch na si Menno Vloon, pero dahil sa countback rule, naiuwi ng Pilipino ang ginto. Ang Amerikanong si Chris Nilsen naman ay nakontento sa bronze matapos makuha ang 5.60m.
Pagkatapos ma-clear ang 5.70m sa isang subok lang, sumubok si Obiena sa 5.85m pero hindi pinalad sa tatlong attempts.
Ngayon, handa na siyang ituloy ang mainit na simula ng kanyang kampanya sa Dusseldorf, Germany para sa ISTAF Indoor.