Nagpakitang-gilas muli si EJ Obiena matapos masungkit ang bronse sa World Athletics Continental Tour sa Beijing, China nitong weekend bilang paghahanda sa darating na World Athletics Championships sa Tokyo.
Tumalon si Obiena ng 5.65 metro para makuha ang ikatlong pwesto, habang nakuha ni home bet Tao Zhong ang ginto at si Cole Walsh ng Estados Unidos ang pilak matapos pareho nilang maklear ang 5.75m, na naipanalo ni Zhong via countback.
Matapos ang ika-apat na pwesto sa 2024 Paris Olympics, target ni Obiena na makadagdag pa ng karangalan sa World Championships mula Setyembre 13–21. Noong 2023, gumawa siya ng kasaysayan nang mag-uwi ng pilak sa Hungary matapos magtala ng bagong Philippine at Asian record na 6.00m, kasunod lamang ng reigning Olympic champion na si Armand Duplantis (6.10m).
Ngayong taon, siyam na beses nang nakatungtong sa podium ang Pinoy pole vaulter sa iba’t ibang international tournaments, kabilang ang pilak sa Meeting Madrid noong Hulyo (5.80m).
Kasalukuyan siyang No. 7 sa world men’s pole vault rankings at muling haharap sa matitinding kalaban, kabilang si Duplantis, sa Tokyo.
