PULSE PH

Obiena, Asian Indoor Champion na matapos mangibabaw sa China!

Kumpleto na ang koleksiyon ni EJ Obiena matapos masungkit ang kanyang unang Asian Indoor Athletics Championships gold sa Tianjin, China. Nilampasan ng Filipino pole vault star ang 5.70 metro upang talunin ang mga kalabang Chinese at tuluyang dominahin ang event.

Mas lalo nitong pinagtibay ang paghahari ni Obiena sa Asya, matapos ang kanyang mga tagumpay sa Southeast Asian Games, Asian Games gold noong 2022, at tatlong Asian Championships titles. Aminado ang atleta na espesyal ang panalong ito, na matagal nang kulang sa kanyang medalya.

Pumangalawa at pumangatlo sina Li Chenyang (5.60m) at Chen Yang (5.40m) ng China. Sinubukan ni Obiena ang 5.80m ngunit hindi pinalad sa tatlong attempts.

Ito ang ikalawang sunod na panalo ni Obiena ngayong taon matapos ang kanyang tagumpay sa Germany noong nakaraang buwan. Mula Tianjin, agad siyang bumiyahe pabalik ng Germany para sa susunod na international meet.

Nagpaabot ng pagbati ang Philippine Embassy sa Beijing, habang pinasalamatan din ni Ambassador Jaime FlorCruz si Obiena at ang iba pang atletang Pilipino na nagbigay-karangalan sa bansa. Kasama sa mga nagwagi sina John Cabang Tolentino (ika-5 sa 60m hurdles), Leonard Grospe (ika-6 sa high jump), at Hussein Lorana (bronze sa middle-distance).

Exit mobile version