Opisyal nang inukit ng National University (NU) ang pangalan ni Bella Belen sa kasaysayan ng Lady Bulldogs matapos i-retire ang kanyang No. 4 jersey.
Pinangunahan ni NU chairman Hans Sy ang seremonya kahapon sa SM Mall of Asia Music Hall sa Pasay, kasabay ng pep rally ng Lady Bulldogs para sa kanilang title retention campaign sa Season 88 ng UAAP.
Dumalo rin sa programa sina Lady Bulldogs team manager Bing Diet, NU president Dr. Renato Carlos Ermita Jr., vice chairman Nilo Ocampo, at athletics director Otie Camangian.
Si Belen, kinikilalang greatest Bulldog ever, ay nagbigay ng walo (8) championships mula high school hanggang college career. Nakapagtala rin siya ng limang (5) Most Valuable Player awards, isang record-breaking run na maituturing na isa sa pinakamalupit sa buong kasaysayan ng UAAP women’s volleyball.
Habang papasok ang Lady Bulldogs sa panibagong era na wala na si Belen at longtime partner na si Alyssa Solomon, nakatala naman ang kanilang pamana bilang pundasyon ng programa ng NU volleyball.
