Site icon PULSE PH

NewJeans, Pormal na Nagbabalik na sa Ador!

Matapos ang mahigit isang taong hidwaan, pormal nang nagbalik sa kanilang record label na Ador ang lahat ng miyembro ng K-pop group na NewJeans. Kinumpirma ito ng kumpanya at ng mga abogado ng grupo nitong Huwebes, kasunod ng desisyon ng korte noong nakaraang buwan na dapat nilang sundin ang umiiral na kontrata sa label na pagmamay-ari ng HYBE—ang parehong kumpanya sa likod ng BTS.

Nagsimula ang gulo noong Nobyembre 2024 nang ihayag ng NewJeans na aalis sila sa Ador dahil umano sa mistreatment at mga isyung internal. Tumugon ang Ador sa pamamagitan ng paghingi ng injunction para pigilan ang anumang aktibidad ng grupo, na kalaunan ay pinagbigyan ng korte nitong Marso.

Sa pinakahuling pahayag, sinabi nina Minji, Hanni, at Danielle na matapos ang “maingat at masusing pag-uusap,” napagpasiyahan nilang bumalik sa Ador. Nauna nang inanunsyo ng label na sina Haerin at Hyein ay sumang-ayon na ring ipagpatuloy ang trabaho sa kumpanya at rerespetuhin ang desisyon ng korte.

Isa ang NewJeans sa pinakamatagumpay na grupo ng HYBE mula nang magdebut noong 2022. Lumala ang tensyon noong 2023–2024 matapos ang alegasyon na sinibak umano ng HYBE ang producer nilang si Min Hee-jin bilang CEO ng Ador—isang hakbang na tinutulan ng mga miyembro. Naglabas pa sila ng mga paratang na sinasabotahi ang kanilang karera at may “deliberate miscommunications and manipulation” mula sa pamunuan.

Gayunpaman, ibinasura ng Seoul Central District Court ang claim ng grupo na nagkaroon ng “irreparable breakdown of trust” sa Ador, dahilan upang mauwi sa pagbalik nila sa kanilang kontrata.

Kasunod ng anunsyo, tumaas ng halos 4.5% ang shares ng HYBE, senyales ng positibong pagtanggap ng industriya sa pag-aayos ng panig ng grupo at label.

Exit mobile version