Romansa at pamilyang drama man ang matagal nang lakas ng kuwentong Pilipino, naniniwala ang Netflix na handa na ang lokal na creators na magkuwento nang mas malalim at mas matapang—nang hindi isinasakripisyo ang pagiging tunay.
Habang tumitingin patungo sa 2026, malinaw ang mensahe ng Netflix: ang mga kuwentong pinakamalayo ang nararating ay yaong tapat sa lokal na kultura at hindi “inaayos” para lang umangkop sa global audience.
Ito ang binigyang-diin ni Malobika Banerji, senior director for Content ng Netflix Southeast Asia, sa isang panayam sa gilid ng Jogja-NETPAC Asian Film Festival sa Indonesia. Ayon sa kanya, patuloy ang pagtaas ng interes sa mga kuwento mula Southeast Asia, kung saan halos 50% ang itinaas ng global viewing hours ng mga content mula sa rehiyon mula 2023 hanggang 2024.
Nilinaw rin ni Banerji na hindi tinitingnan ng Netflix ang storytelling bilang kompetisyon ng mga bansa, gaya ng South Korea o Latin America. Sa halip, sinusukat nila ang tagumpay batay sa kung gaano tumatagos ang kuwento sa audience at kung may tuloy-tuloy na demand.
Bagama’t mas matagal na sa global stage ang Korean content, sinabi ni Banerji na nasa iba’t ibang yugto lang ng “global journey” ang bawat rehiyon. Sa kaso ng Southeast Asia, kapansin-pansin ang mabilis na pag-usbong: sa nakalipas na tatlo hanggang apat na taon, mahigit 100 titles mula sa rehiyon ang pumasok sa Netflix Global Top 10, at 40 dito ay ngayong taon lamang—isang bagay na halos imposible limang taon na ang nakalipas.
