Huli ang isang Chinese na “sleeper agent” at dalawang Pilipinong kasabwat matapos nilang isagawa ang mga umano’y aktibidad ng espionage sa bansa, kabilang ang pagbisita sa mga mahahalagang military installations. Ayon sa National Bureau of Investigation (NBI), inaresto nila sina Yuanqing Deng, Ronel Jojo Balundo Besa, at Jayson Amado Fernandez sa ilalim ng kasong espionage.
Ang tatlong suspek ay nahuli matapos mag-operate sa mga kritikal na lugar na may kinalaman sa pambansang seguridad. Inihain ng NBI ang reklamo laban sa kanila batay sa Commonwealth Act 616 at Republic Act 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012), na may kaugnayan sa mga ilegal na aktibidad sa pambansang depensa.
Si Deng, na nagtapos sa PLA University of Science and Technology, ay isang eksperto sa control engineering at automation. Ayon sa NBI, siya ay itinuturing na “sleeper agent,” na nagtatago sa ilalim ng pangkaraniwang gawain at hindi halatang may maling motibo. Tumagal siya ng higit limang taon sa bansa bago matukoy ng NBI ang kanyang mga operasyon.
Nakita sa kanilang sasakyan ang mga gamit na ginagamit sa espionage tulad ng mga advanced surveillance equipment, kabilang ang video data loggers, GPS devices, at mga kagamitan na may kakayahang mag-generate ng 3D images at mag-transmit ng data sa real-time.
Ayon sa NBI, may mga ebidensya na ang mga suspek ay nakikipagtulungan sa mga lokal na kasabwat at nagsasagawa ng intelligence operations sa mga kritikal na pasilidad gaya ng mga military camps, power plants, at mga establisyimento na konektado sa pambansang seguridad.
Patuloy na iniimbestigahan ng NBI ang mga posibleng koneksyon ni Deng sa isang organisadong grupo o gobyerno, ngunit wala pang tiyak na impormasyon kung ito ay may kaugnayan sa isang partikular na bansa.
