Iniligtas ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang Pilipinang babae mula sa isang African drug ring sa Malaysia at kasalukuyan nang tinutugis ang mga miyembro ng grupo na nag-ooperate sa Pilipinas.
Ayon sa NBI, ang mga biktima ay na-recruit ng African drug ring na tumatarget sa mga Pilipinong financially distressed at bihasa sa Ingles. Inalok sila ng isang all-expenses-paid na biyahe patungong Malaysia at Hong Kong, kasama ang pangakong $5,000 para mag-transport ng mga package sa pagitan ng dalawang bansa.
Pinaniwala ng grupo ang mga biktima na ang mga parcel ay naglalaman ng mga lehitimong produkto mula Malaysia na inorder ng mga negosyanteng Hongkong.
Sinabi ni NBI Director Jaime Santiago na nagsimula ang operasyon noong Enero nang madakip ang isang Filipinang drug mule, na nagbigay daan sa isang imbestigasyon na nagbukas ng mga detalye tungkol sa koneksyon ng grupo sa drug at human trafficking gamit ang mga Filipino couriers.
Noong Pebrero 4, naglunsad ng operasyon ang Royal Malaysia Police Narcotics Crime Investigation Department (NCID), katuwang ang US Drug Enforcement Administration, NBI, at iba pang mga awtoridad ng Malaysia sa Klang Valley, Malaysia. Nagresulta ito sa pagkaka-aresto ng isang babaeng suspek mula Sierra Leone at ilang miyembro ng African drug ring.
Nasamsam ng mga awtoridad ang 2.3 kilo ng cocaine na nagkakahalaga ng P15 milyon, nakatago sa black carbon paper at pinahiran ng brown substance upang hindi makita.
Bago pa makapag-transport ang mga biktima ng ilegal na droga patungong Hong Kong, nakipag-ugnayan ang NBI sa Philippine embassy sa Malaysia at sa NCID upang matiyak ang kaligtasan ng mga biktima.
Sa tulong ng operasyon, na-repatriate ng NBI ang mga biktima noong Pebrero 5, na nakaiwas sa pagharap ng mga kasong droga sa Malaysia.
Kasunod ng operasyon, nagsagawa ang NBI ng hakbang upang tuklasin at mahuli ang mga miyembro ng drug ring at mga recruiter na nag-ooperate sa Pilipinas.