Sinampahan ng kasong falsification of public documents ng National Bureau of Investigation (NBI) si dating Bamban, Tarlac mayor Alice Guo matapos umano niyang ideklara na siya ay isang Pilipino nang bumili ng tatlong ari-arian sa Pangasinan.
Ayon kay NBI spokesperson Ferdinand Lavin, ipinasa na sa Department of Justice ang reklamo laban kay Guo, na binansagang Chinese national na si Guo Hua Ping. Bukod sa kaso, nais din ng NBI na ipawalang-bisa at kumpiskahin ang kanyang mga nabiling lupa sa Sual, Pangasinan.
Kasabay nito, kinasuhan din ng NBI ang 13 empleyado ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) dahil sa umano’y pagpapabaya sa iligal na operasyon ng POGO firm na Zun Yuan Technology sa Bamban. Sila ay inireklamo sa ilalim ng Anti-Trafficking Act at Anti-Graft and Corrupt Practices Act matapos umanong hayaang magpatuloy ang scam operations ng kumpanya.