Handa na ang National Bureau of Investigation (NBI) na magsampa ng kaso laban sa mga sangkot sa pagpapalabas ng pekeng birth certificates sa opisina ng Local Civil Registrar (LCR) sa Sta. Cruz, Davao del Sur, ayon kay Sen. Sherwin Gatchalian na nanawagan sa ahensya na ituloy ang imbestigasyon.
Mula sa 200 pekeng birth records na nadiskubre noong nakaraang buwan, umabot na ngayon sa 1,501 ang natuklasan ng NBI, lahat mula sa Sta. Cruz LCR mula 2016 hanggang 2023.
Ayon kay NBI Davao regional director Arcelito Albao, ibinigay ang mga birth certificates sa mga Chinese nationals na walang bakas ng pagiging residente ng bayan.
Idiniin ni Albao na ang scheme sa Sta. Cruz ay pinadali ng isang sindikato na binubuo ng mga fixers, notaries, at mga kontak sa LCR.
Bukod sa pagsasampa ng kaso, sinabi ni Albao na hihilingin din nila ang pagkansela ng mga pekeng birth certificates.
Sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee nitong Lunes, ipinunto ng mga opisyal ng Sta. Cruz na 54 sa 1,501 birth certificates ang walang indikasyon ng Filipino parents.
“Hinihikayat ko ang NBI na alamin at beripikahin ang pagkakaroon ng 1,501 late registrants. Nababahala ako na baka marami pang ganitong kaso at patuloy na abusuhin ng mga tao ang sistema hangga’t hindi napaparusahan ang mga nagkasala,” sabi ni Gatchalian.
Inamin ni Albao na hindi pa nila natutunton ang lahat ng nabigyan ng pekeng birth documents.