Matapos ang anim na taong pahinga, opisyal nang nagbabalik ang NBA sa China — at ayon kay Commissioner Adam Silver, ramdam na ramdam nila ang “tremendous interest” ng mga fans.
Ngayong linggo, nagpunta sa Macau ang mga bituin at opisyal ng liga para sa dalawang preseason games ng Brooklyn Nets at Phoenix Suns — ang unang NBA games sa China mula noong 2019, nang maipit ang relasyon ng liga sa bansa dahil sa isang kontrobersyal na tweet tungkol sa Hong Kong protests.
“Napakalaki ng excitement dito sa China. Ang saya na makabalik ulit,” pahayag ni Silver. Dagdag pa niya, maaaring magbukas ang mga sold-out games na ito ng mas marami pang NBA events sa bansa.
Magaganap ang mga laban sa arena ng Las Vegas Sands sa Macau, na kilala bilang tanging lugar sa China kung saan legal ang casino gambling. Kasabay nito, gaganapin din ang fan event na dadaluhan ng mga personalidad tulad ni Shaquille O’Neal.
Sinabi naman ni Devin Booker ng Suns na malaki ang fanbase nila sa China at mahalaga ang “basketball without borders” upang makalapit sila sa mga tagahanga.
Huling naglaro ang NBA sa Macau noong 2007, at ngayon ay umaasa ang mga lokal na opisyal na makatutulong ang sports events tulad nito sa pagpapalakas ng turismo at imahe ng lungsod bilang global destination.
Kasabay ng pagbabalik ng NBA, inanunsyo rin ng Alibaba Cloud ang bagong multi-year partnership bilang opisyal na cloud computing at AI partner ng NBA China — na lalong nagpapatibay sa koneksyon ng liga sa bansa.