Naglabas ng pahayag si NBA Commissioner Adam Silver na hindi magmamadali ang liga sa pagbibigay-hatol laban sa Los Angeles Clippers kaugnay ng alegasyon na nilusutan nila ang salary cap rules sa pamamagitan ng isang pekeng endorsement deal para kay Kawhi Leonard.
Ayon sa ulat ng journalist na si Pablo Torre, pumirma si Leonard ng $28M deal noong 2021 sa kumpanyang Aspiration—na may kaugnayan umano kay Clippers owner Steve Ballmer—pero hindi naman nagkaroon ng aktwal na endorsements. Giit ng source, ito raw ay taktika para iwasan ang salary cap restrictions.
Mariin namang itinanggi ng Clippers at ni Ballmer ang paratang, at sinabi pa ni Ballmer na siya mismo ay “naloko” ng Aspiration, na kalauna’y nagdeklara ng bankruptcy.
Dagdag ni Silver, nasa NBA ang burden of proof kung may mali talagang ginawa:
“Kung magpaparusa kami sa team, owner o player, dapat malinaw ang ebidensya. Hindi sapat ang haka-haka o itsura lang ng iregularidad.”
Si Leonard ay may $173M contract extension sa Clippers at kasabay nito’y nagkaroon ng $300M sponsorship deal ang team sa Aspiration, na umabot pa sa jersey branding.
Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng NBA at tiniyak ni Silver na kikilos lamang sila kung mapapatunayan ang tunay na paglabag.