Ipinakita ng gobyerno na hindi sila natitinag sa transport strike na inilunsad ng dalawang grupo kahapon. Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Teofilo Guadiz III, wala namang mga pasaherong na-stranded hanggang tanghali ng Lunes.
Ayon kay Guadiz, kakaunti lamang ang sumali sa strike ng mga jeepney drivers at operators. Ang mga grupong Piston at Manibela ang nangunguna sa protesta laban sa programang nag-uutos sa mga pampasaherong sasakyan na magbuo o sumali sa mga kooperatiba para magpatuloy sa operasyon.
Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista, tuloy pa rin ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ayon sa plano.
“Hindi natin maaaring isantabi ang karamihan ng mga transport groups at operators na sumusuporta sa modernization program,” sabi ni Bautista.
Dagdag pa ni Transportation Undersecretary Andy Ortega, 83 porsyento ng mga PUV ay naisaayos na sa programa.
“Sa ngayon, 83 porsyento na ng buong sektor ng transportasyon ang nakikibahagi sa programa, at sapat na iyon para sa pangangailangan ng mga pasahero,” ani Ortega.
Nagbigay babala si Guadiz na mahuhuli ang mga PUV na nag-ooperate nang walang prangkisa.