Hindi lang ikaw ang litong-lito sa buhay—pati si Kathryn Bernardo!
Sa isang presscon para sa Pilipinas Got Talent, inamin ng Kapamilya star na dumaraan siya sa quarter-life crisis habang papalapit ang kanyang ika-29 na kaarawan.
“Feeling ko ang lost ko na naman. Para bang, ‘Ano na ang susunod?’”
Ayon kay Kathryn, dati na niyang naramdaman ito matapos ang pelikulang The Hows of Us noong 2018, at ngayon, bumalik ang parehong emosyon. Dahil dito, gumagawa siya ng mga pagbabago sa buhay, kabilang ang paglipat sa sariling bahay bilang hakbang patungo sa pagiging mas independent.
Ayon sa psychologist na si Dr. Sherryl Muli-Abellanosa, normal ito sa mga nasa edad 18-29, dahil ito ang panahong maraming desisyon ang kailangang gawin—tungkol sa career, relasyon, at sariling pagkakakilanlan.
Paano Haharapin ang Quarter-Life Crisis?
- Magtakda ng realistic goals – Huwag madaliin ang lahat; hatiin ang mga plano sa mas maliliit na hakbang.
- Maging mapagpasalamat at mag-reflect – Alamin kung ano talaga ang mahalaga sa’yo.
- Alagaan ang sarili – Iwasan ang pagko-compare sa iba, mag-ehersisyo, at maghanap ng hobbies.
- Kumonekta sa support system – Makipag-usap sa pamilya, kaibigan, o eksperto para sa bagong perspektiba.
Tulad ni Kathryn, okay lang malito minsan. Normal lang ‘yan. Ang mahalaga, lumalaban ka at patuloy na natututo!
