Nagpasabog ng matinding opensa si Savi Davison para sa PLDT matapos nilang tambakan ang Farm Fresh, 25-20, 25-17, 25-19, kahapon sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference sa PhilSports Arena.
Walang makapigil kay Davison na kumamada ng 26 puntos, kabilang ang 23 powerful attacks, sa loob lang ng tatlong set. Sa panalong ito, umangat sa 6-3 ang kartada ng High Speed Hitters.
Nagpakilala rin ang rookie setter na si Angelica Alcantara mula Adamson, na naghatid ng 12 excellent sets at nag-ambag ng apat na puntos. Malaking bagay ang kanyang steady play lalo na’t naghahanda ang PLDT para sa matinding bakbakan kontra league leader Creamline sa Pebrero 15 sa Ynares Arena, Antipolo.
“Masaya kami sa panalong ito, lalo na’t malaking laban ang kasunod namin,” sabi ni PLDT coach Rald Ricafort.
Hindi rin nagpahuli si Mika Reyes na may 10 puntos, habang nagbigay naman ng walong puntos si Majoy Baron.
Samantala, hindi naging maganda ang laro ng Farm Fresh, kung saan walang ni isang player ang umabot sa double digits. Si Trisha Tubu ang nanguna sa kanilang kampanya na may siyam na puntos, habang si Rachel Daquis—na unti-unting bumabalik sa porma matapos ang mahigit isang taong pagkawala—ay may apat na puntos. Bumagsak sa 4-5 ang rekord ng Foxies.
Ayon kay Alcantara, naging susi sa panalo ng PLDT ang disiplina, focus, at sense of responsibility. “Pinaghandaan namin ito dahil alam naming hindi basta-basta susuko ang Farm Fresh,” aniya.
Lumaban nang husto ang Foxies, lalo na sa third set kung saan nagbigay sila ng matinding laban at nagkaroon pa ng maagang kalamangan. Pero matapos ang crucial point ni Reyes sa 14-all deadlock, hindi na lumingon pa ang PLDT at tinapos ang laro sa pamamagitan ng 10-5 run.
Malinaw ang mensahe ng High Speed Hitters: Handa na sila para sa malaking laban kontra Creamline!
