Nagulat ang manonood nang biglaang umalis si Miss Universe 2025 Fatima Bosch sa kanyang interview sa Telemundo matapos tanungin tungkol sa mga kontrobersiya sa pageant at sa kanyang panalo.
Ayon sa Telemundo, naganap ang insidente noong Dec. 9 sa kanilang palabas na Pica y se Extiende, kasama ang mga host na sina Lourdes Stephen at Carlos Adyan. Tinatalakay sa interview ang alegasyon laban sa Miss Universe Organization president na si Raul Rocha, kabilang ang frozen bank accounts niya at umano’y kaugnayan sa droga, gasolina, at armas. Napag-usapan rin ang reklamo ni Miss Universe Thailand at Miss Grand International president Nawat Itsaragrisil laban kay Bosch.
Sinabi ni Bosch, “Wala akong kaso. Wala akong dinisgrasyahan. Ayokong pag-usapan iyon.” Sa pribadong usapan naman, sinabi niya na ang kanyang ama ang humahawak sa legal na isyu.
Napag-usapan rin ang visa ng mga delegates at ang puna ni Rocha tungkol kay Cote d’Ivoire bet Olivia Yace. Aniya, “Hindi ko alam ang detalye ng mga patakaran, pero lahat ay dapat may pantay na pagkakataon, anuman ang passport.” Dagdag pa niya, “Miss Universe ay negosyo at trabaho. Kung kailangan maglakbay sa buong mundo, malinaw na kailangan mo ng taong madaling makapagbiyahe.”
Matapos ang maikling pahinga, nagpatuloy ang programa nang wala na si Bosch. Sinabi ng mga host na pinili niyang iwan ang studio at kanselahin ang iba pang naka-schedule na guestings sa network.
