Pinahigpitan pa ni Elon Musk ang kampanya laban sa “sayang” sa gobyerno ng US, kasunod ng utos ni Donald Trump na bawasan ang gastusin sa pamahalaan.
Ayon kay Musk, lahat ng pederal na empleyado ay kailangang magpaliwanag kung ano ang kanilang nagawa sa trabaho—kung hindi, mawawalan sila ng trabaho.
“Ang lahat ng federal employees ay makakatanggap ng email na nagtatanong kung ano ang kanilang nagawa noong nakaraang linggo. Ang hindi sasagot, ituturing na nagbitiw sa pwesto,” ani Musk.
Isang kopya ng email ang nakuha ng AFP, kung saan nakasaad na kailangang magbigay ang mga empleyado ng limang puntos na naglalarawan ng kanilang mga natapos sa nakaraang linggo. Ang deadline ng sagot ay hanggang 11:59 PM ng Lunes.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang US Office of Personnel Management (OPM) kaugnay nito. Samantala, tiniyak ng American Federation of Government Employees (AFGE) na lalabanan nila ang anumang ilegal na pagtanggal sa trabaho.
Tuloy ang Tanggalan!
Ayon sa mga ulat, sinimulan na rin ng administrasyong Trump ang pagbabawas ng empleyado sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, kabilang ang Department of Defense, na magbabawas ng hindi bababa sa 5% ng kanilang civilian workforce.
Kasabay nito, pinuri ni Trump ang mga hakbang ni Musk at hinikayat itong maging “mas agresibo” sa pagtapyas ng gastos.
Si Musk, na hinirang bilang pinuno ng Department of Government Efficiency (DOGE), ay may layuning bawasan ang labis na gastusin at alisin ang umano’y katiwalian sa gobyerno.
Bagama’t may ilang hukom na humarang sa ilang pagtatanggal ng empleyado, patuloy ang hakbangin ni Musk na tanggalin ang mga nasa “probationary status” o mga bagong empleyado ng gobyerno.
Sa isang pagtitipon ng mga konserbatibong tagasuporta, muling pinuri ni Trump si Musk: “We love Elon, don’t we? He’s a character.”
Bagama’t may kontrobersya sa koneksyon ni Musk sa pamahalaan dahil sa kanyang mga government contracts, tiniyak nito na magiging transparent ang lahat ng galaw ng DOGE upang mapanagot siya sa publiko.