Habang abala na ang maraming pamilyang Pilipino sa paghahanda ng handa para sa Noche Buena at Christmas Day, ibinahagi ni Judy Ann Santos ang kanyang 12 paboritong putahe tuwing Pasko—mula ulam hanggang panghimagas.
Kamakailan, tinanong si Judy Ann, na kilala ring mahusay magluto, tungkol sa kanyang ideal Christmas menu matapos siyang hirangin bilang culinary ambassador ng isang condiments brand. Inspirasyon umano rito ang konsepto ng “12 Days of Christmas.”
Sa kanyang listahan, hindi mawawala ang Christmas ham na may dinner rolls, chicken at truffle galantina, at crispy pork belly na sinasabayan ng ensaladang talong para sa balanse. Kasama rin ang mga klasikong handa tulad ng Pinoy-style spaghetti, macaroni salad, potato salad na may longganisa, relyenong bangus, at maging baked oysters na may kakaibang twist.
Para sa dessert, pinili ni Judy Ann ang all-time favorites na leche flan at buko lychee, habang inumin naman ang sariwang juice, soda, o wine.
Ayon sa aktres, higit sa masasarap na pagkain, ang pinakamahalaga sa Pasko ay ang pagsasama-sama ng pamilya, pagmamahalan, at pasasalamat sa mga biyaya—kasabay ng gift-giving at panonood ng mga pelikulang pampasko.
