Papalitan na ang kontrobersyal na footbridge sa Kamuning na tinaguriang “Mt. Kamuning” matapos buksan ng pamahalaan ang bagong pedestrian walkway na mas ligtas at mas madaling gamitin ng mga commuter.
Personal na ininspeksyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang bagong P55-milyong footbridge at concourse sa EDSA busway Kamuning station. Ayon sa pangulo, gigibain na ang lumang tulay dahil hindi ito praktikal para sa mga naglalakad.
Ang dating footbridge na may taas na siyam na metro at 154 na hakbang ay naging kontrobersyal dahil sa matarik nitong disenyo na mahirap gamitin, lalo na ng mga senior citizen at persons with disabilities.
Ang bagong footbridge ay may elevator at wheelchair lift, at may direktang access sa EDSA busway station upang mas mapadali ang paglipat ng mga pasahero mula MRT-3 papunta sa EDSA Carousel.
Kasabay nito, binisita rin ng pangulo ang inayos na Kamuning busway station na ngayon ay may mas maluwag at malinis na platform, bagong waiting sheds, malinaw na signage at karagdagang seguridad para sa mga commuter.
