Hindi aatras si Mon Confiado sa cyber libel case na isinampa niya laban sa content creator na si Jeff Jacinto, o mas kilala bilang Ileiad.
Sa panayam ng ABS-CBN News, ibinahagi ni Mon na lumapit sa kanya si Ileiad at humiling na iurong ang reklamo na isinampa niya kamakailan sa National Bureau of Investigation (NBI).
“Nagmamakaawa at nag-apologize siya. Pero ang mali niya, hindi agad tinanggal yung post. Hindi lang kasi basta pangalan ko ang dinrag niya,” ani Mon.
“Tuloy ang kaso. Hindi ko alam kung saan ito aabot, pero ang mahalaga, maging aware tayo na hindi pwedeng basta gumawa ng kwento. Dapat itama natin ito. Siguro ito na ang simula,” dagdag pa niya.
Kamakailan, nag-post si Mon sa Facebook na nagsampa siya ng formal complaint laban kay Ileiad matapos itong mag-post ng umano’y maling kwento tungkol sa kanya.
“Nawa’y maging aral ito sa lahat, na ang paggamit ng pangalan at larawan ng walang pahintulot ay krimen. Hindi lahat ng jokes ay nakakatawa at hindi lahat ay para sa lahat. Ang joke dapat ay nagpapasaya, hindi naninira,” ani Mon.
“Mr. Jeff Jacinto alias ILEIAD, ako ay isang tahimik na tao. Hindi pa ako nasangkot sa anumang gulo sa buong buhay ko. Wala akong kaaway. Tahimik lang akong nagtatrabaho bilang aktor, at ang aking pangalan ang aking puhunan. Nagulat ako nang bigla mong ginamit ang pangalan at larawan ko sa isang joke na tinatawag niyong ‘copypasta,’” dagdag ni Mon.