Para sa mga motorista sa Metro Manila na madalas magbiyahe sa mga pangunahing highway, maaari na ngayong i-check online kung may traffic violations sila sa ilalim ng No-Contact Apprehension Policy (NCAP).
Inilunsad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang bagong website na mayhulika.mmda.gov.ph kung saan pwedeng tingnan ng mga motorista kung sila ay may mga NCAP violations.
Ayon kay MMDA Chairman Romando Artes, puwedeng i-access ang website gamit ang cellphones, tablets, o computers. Kailangang ilagay ng motorista ang license plate number, conduction sticker number, at motor vehicle (MV) file number para masigurong siya lang ang makakakita ng mga violation ng kanyang sasakyan.
“Ito ay dagdag seguridad para sa mga may-ari ng sasakyan,” paliwanag ni Artes.
Sa dating portal, license plate number lang ang kailangan, kaya mas pinahusay nila ito.
May mga bagong features din na paparating sa app sa loob ng isa o dalawang buwan tulad ng:
- Real-time notifications via text at email
- Access sa mga photos at videos ng paglabag
- Para sa mga kumpanya, pwedeng i-monitor ang mga violation ng kanilang mga fleet vehicles sa isang account
- May option din para i-contest ang violation mismo sa app
Siniguro rin ng MMDA na ligtas ang bagong website laban sa hacking dahil may firewall ito.
Sa kasalukuyan, nagbibigay pa rin ang MMDA ng notifications sa mga motorista gamit ang mga official violation notices.
Nagsasagawa rin ng usapan ang MMDA sa Philippine National Police para mabigyan ng access ang PNP personnel sa command center ng MMDA, para mas mabilis silang makatugon sa mga krimen na nakuhanan sa MMDA cameras.
Para sa mga motorista, ito na ang pinakamadaling paraan para malaman at asikasuhin ang mga traffic violations nang hindi na kailangang pumunta sa opisina.